MATAPOS batikusin ng isang senador, naglabas ng rekomendasyon ang Philippine National Police – Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) na kanselahin ang lisensya ng 19 na armas na pag-aari ng puganteng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Pag-amin ni Col. Jeann Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP, pirma na lang ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang kulang para tuluyang mawalan ng bisa ang lisensya ng mga baril na nakapangalan sa kontrobersyal na religious leader.
Bukod kay Quiboloy, pasok dinn sa talaan ng rekomendasyon para sa pagbawi ng license to own and possess (LTOP) ang isang kapwa akusado ni Quiboloy.
Gayunpaman, tumanggi ang PNP na tukuyin ang pagkakakilanlan ng taong kasama ni Quiboloy na inirekomendang bawian ng lisensya.
Paglilinaw ni Fajardo, hindi ang patutsada ni Senador Hontiveros ang batayan ng PNP-FEO sa rekomendasyon para kanselahin ang lisensya ng baril ng wanted na pastor – kundi ang Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Act).
