HINDI umano katanggap-tanggap na ang mga dambuhalang kumpanya ng langis sa bansa ay nagkakamal ng bilyon-bilyon habang ang mga mamamayang Pilipino ay nagdurusa sa walang puknat na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, ang hirap lunukin ang katotohanang nakapagtala pa ng 37% na taas sa net income ang Petron Corp. para sa unang siyam ng buwan ng taong 2025, sa kabuuang halaga na ₱9.7-billion, pero ang taumbayan ay nakaranas ng limang magkakasunod na linggo oil price hike.
“Pasan-pasan ng mga ordinaryong Pilipino ang excise tax sa langis, habang nagpapakasasa ang oil companies sa bilyon-bilyon na kita. This just proves how deregulation only benefits the few at the expense of the many. Consumers should be paying less at the pump, but instead, they’re paying more because the government refuses to hold oil giants accountable,” himutok ng lady solon.
Kaya naman muling nanawagan ang Gabriela partylist congresswoman na repasuhin at tuwiran na ring ibasura ang Oil Deregulation Law, dahil sa kabiguan labanan ang price manipulation at cartel-like behavior ng mga big players sa energy sector ng bansa.
“For decades, the Oil Deregulation Law has allowed a handful of corporations to dictate prices without transparency. It’s time to end this anti-consumer policy. We demand immediate government action—through tax relief on oil products and stronger regulation of the downstream oil industry,” giit pa ni Elago
“Every oil price hike ripples across the economy—raising transport fares, food prices, and the cost of living. Women, mothers, and workers feel this most. It’s unacceptable that while the people suffer, billionaires are boasting about their earnings,” dagdag niya.
Tiniyak ng kongresista na patuloy na ipaglalaban ng Gabriela Women’s Party ang pagkakaroon ng pro-people energy reforms sa Kongreso, kabilang dito ang matapang na government oversight sa oil pricing, pag-aalis sa excise tax sa mga produktong Langis at pagtatatag ng public oil corporation upang matiyak ang pagkakaroon ng affordable at stable fuel supply. (ROMER R. BUTUYAN)
