MATAPOS makatikim ng kastigo mula sa lider ng Senado, mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang isinasagawang manhunt laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo na pinaniniwalaang bahagi ng sindikato sa likod ng scam farm sa sinalakay na POGO hub sa nasasakupang bayan.
Ayon kay PNP public information chief Col. Jean Fajardo, nananatiling maingat at pursigido ang PNP sa paghahanap kay Guo na pakay ng isang mandamiento de arresto na inilabas ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality bunsod ng hindi pagsipot sa mga congressional investigation.
Paglilinaw ni Fajardo, may mga impormasyon na ang pambansang pulisya sa mga lugar na posibleng pinagtataguan ang puganteng mayor.
Gayunpaman, kailangan pang iberipika ang bawat impormasyon. Nang tanungin kung gaano katagal ang beripikasyon, tumangging magbigay ng iba pang detalye kung kailan ganap na dadakpin si Guo.
Batay sa record ng Bureau of Immigration, hindi pa nakakalabas ng Pilipinas ang kontrobersyal na alkalde na una nang napaulat na nakapuslit na pabalik sa bansang China.
“Our officers are dedicated to ensuring that Mayor Alice Guo is brought under the jurisdiction of the Senate,” sambit ng tagapagsalita ng PNP.
