HINDI lumusot sa isang bagitong kongresista ang “palusot” ng mga abogado sa pagtanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte dumalo sa “clarificatory hearing” ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment complaints na kinakaharap ng pangalawang pangulo.
“Sasabihin ng abogado lahat ng pwede nilang sabihin para lang magkaroon sila ng excuse,” patutsada ni San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora na tumatayong vice-chairperson ng naturang komite.
Bagamat normal lamang naman umano sa mga abogado ang lahat ng palusot, nanindigan si Zamora na sablay aniya ang argumento ng mga abogado ni Duterte na nahaharap sa impeachment charges.
“Gagawin po, sasabihin po ng abogado ng isang kliyente, lahat ng pwede nilang sabihin para lang magkaroon sila ng excuse for not attending the hearings,” wika ni Zamora.
Ang ipinagtataka ni Zamora, noong inihain ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte sa Senado, matapos katigan ito ng 215 kongresista noong nakaraang taon, ay dumulog ang kampo ng bise-presidente sa Korte Suprema.
“Kinuwestiyon po nila yan sa Supreme Court dahil ang gusto nila dumaan sa Committee on Justice. And in fact, the decision of the Supreme Court, which appeared to be favorable to them, declared that Congress has to go through the committee on justice and afford the Vice President or the respondent due process,” paliwanag ni Zamora.
At ito aniya mismo ang ginagawa ngayon ng Justice committee sa kinakaharap na third at fourth impeachment charges laban sa bise presidente — ang magkaroon ng pormal na pagdinig.
“Yan nga po ang ginagawa namin. So in fact, sila po ang humiling ng ganitong proseso ang gawin,” dagdag ng kongresista.
Wala rin aniyang basehan ang punto ng defense lawyers na kaya ‘no show’ sila sa Kamara ay dahil ‘mini-trial’ ang ginagawa ng Justice panel.
“The committee hearing was meant to determine whether probable cause existed to elevate the matter further. The panel was not conducting a trial but carrying out the preliminary process required before the case could move forward.”
