PIHADONG sakit sa ulo ang haharapin ng may-ari ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3 matapos mabisto ang dahilan sa likod ng trahedyang kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 52 na pasahero.
Sa isang pulong balitaan, tiniyak ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na sasampahan ng patong-patong na kaso ang Aleson Shipping Lines Inc. na nagmamay-ari ng lumubog na barko.
Bukod sa Aleson Shipping Lines, ipinag-utos din ni Lopez ang pagsasampa ng asunto laban sa mga tauhan ng Maritime Industry Authority (Marina) at ng Philippine Coast Guard (PCG) bunsod ng umano’y kapabayaan at safety lapses, na humantong sa trahedya.
Para kay Lopez, hindi umano dapat pinahintulutan ang paglalayag ng MV Trisha Kerstin 3 na nakitaan ng safety deficiencies sa passenger capacity certification, drydock/repair compliance at seaworthiness certification.
Ayon sa DOTr chief, lumalabas na overloading ng pasahero at kargamento ang punong dahilan sa paglubog ng barko.
Nakatakda rin silipin ng Kalihim ang “non-utilization” ng weigh bridge sa Global Port Zamboanga Terminal Inc. at ang kaduda-dudang passenger manifest.
Samantala, agad na ipinag-utos rin ni Lopez ang pagsibak sa walong Marina personnel, kabilang na ang mismong Zamboanga Regional Director, at limang PCG personnel, na siyang nagsagawa ng pre-departure inspection, gayundin ang Zamboanga Station Commander dahil sa command responsibility.
Inatasan din naman ni Lopez ang Marina na agarang maghain ng administrative charges laban kina Zamboanga Regional Director Engr. Jedini Nur Sibal, Marina Shipping Operations Specialist Engr. Bevin Bibi, at Marina Shipbuilding Specialist II Jose Ray Quimiguing dahil sa neglect of duty.
