TALIWAS sa inaasahan, hindi muna irerekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlong mambabatas na umano’y dawit sa flood control kotong.
Ito ay matapos baguhin ng komite ang “draft report” kaugnay ng isinagawang imbestigasyon sa flood control scandal.
Sa orihinal na bersyon, direktang irerekomenda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kina Senador Joel Villanueva, Jinggoy Estrada at Chiz Escudero. Sa bagong bersyon, isusulong na lang ng komite ang pagsasailalim sa mga nabanggit na mambabatas sa “preliminary investigation.”
Pag-amin ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, iminungkahi ng mga miyembro ng mayorya na baguhin ang mga gagamiting salita sa ilalabas na report.
“Iminungkahi nila na baka maaari natin itong palambutin nang hindi isinasakripisyo ang layunin at nilalaman,” sabi ni Lacson.
“Dahil hindi namin maaaring irekomenda na magsampa ng mga kaso sa korte, tanging ang Department of Justice at ang Ombudsman lamang ang awtorisadong magsampa ng impormasyon para sa sinumang taong sasampahan ng kaso sa korte,” dugtong ng chairman ng komite.
