ANUMAN ang kahihinatnan ng isinasagawang pagdinig ng senado sa flood control scandal, tiniyak ng Office of the Ombudsman na hindi apektado ang pagsasampa ng kaso laban sa mga dorobo sa gobyerno.
Ayon kay Ombudsman Crispin Remulla, nakatuon ang atensyon ng kanyang tanggapan sa pangangalap ng ebidensyang gagamitin sa paglilitis ng hukuman sa mga kaso ng katiwalian na kinasasangkutan ng mga opisyales ng pamahalaan.
Garantiya ni Remulla, hindi magpapa apekto ang tanodbayan sakali man magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Karaniwang kalakip ng balasahan sa liderato ng senado ang pagpapalit ng chairman ng blue ribbon committee na punong-abala sa imbestigasyon sa bantog na flood control scandal.
Binigyang diin din ni Remulla na hindi nakadepende ang Ombudsman sa senado. Nagkataon lamang aniyang may nasimulan nang imbestigasyon ang nabanggit na komite kung kaya’t nakitaan din ng halaga o maaaring makatulong sa tanggapan.
Katunayan aniya, nakikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa naturang komite. (JULIET PACOT)
