WALANG panghihinayang na sumugal ang Igorot Stone Kingdom Inc. para makuha ang mamahaling Rolls Royce na isinubasta kamakailan ng Bureau of Customs (BOC).
Matapos manalo sa public bidding, ibinahagi ng nanalong bidder ang plano sa luxury car na dating pagmamay-ari ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na higit na kilala bilang kontratista sa likod ng mga ghost flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Sa isang panayam, sinabi ni Pio Velasco na tumatayong chief executive officer ng Igorot Stone Kingdom Inc., na plano ng kumpanya ibalandra sa Igorot Stone Kingdom theme park sa Baguio City ang Rolls Royce na nabili sa halagang P29 milyon.
Higit pa sa pagiging tourist attraction, naniniwala si Velasco na malaking bentahe sa kampanya kontra korapsyon ang isang simbolong nagbukas ng kaalaman ng publiko sa malawakang anomalya sa pamahalaan.
Pag-amin ni Velasco, nais muna niyang subukan damhin ang pakiramdam ng nagmamaneho ng mamahaling sasakyan tulad ng Rolls Royce. Gayunpaman, nilinaw ng negosyante na nakatuon ang kumpanya sa pangangalaga ng tinawag niyang malaking bahagi ng kasaysayan.
Aniya, ang subasta ng BOC ang unang pagkakataon na lumahok ang kumpanya sa isang public auction na nabatid lamang sa tulong ng social media.
Bukod sa Igorot Stone Kingdom Inc., kabilang rin sa lumahok sa BOC public auction ang comedian-host na si Willie Revillame. (JULIET PACOT)
