Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA halip na masukol, pinili na lang ng illegal POGO incorporator Cassandra Li Ong na kopyahin ang estilo ni Alice Guo — at gamitin ang pamosong lintang “wala akong maalala” sa katanungan ng mga kongresista.
Sa pagdinig ng quad comm, nagtanong si Abang Lingkod partylist Rep. Joseph Stephen Paduano kay Ong kung saan ito kumuha ng Alternative Learning System (ALS).
“Wag mo sabihin i-double check naman, pwede bang makalimutan mo kung nag-ALS ka at tsaka anong taon,” wika ni Paduano.
Tugon ni Ong — 2016 pero hindi niya na diumano matandaan ang eksaktong petsa.
“Hindi ko po sigurado kung anong exact year.”
Sumunod na tanong ni Paduano ay kung saang eskwelahan.
Sagot ni Ong, “I forgot na Mr. Chair. Public school po siya.”
“Pwede ba yun na hindi mo alam kung saan school ka na-enroll for the ALS. Baka hindi ka nag-ALS, baka sa ibang bansa ka nag-aral,” bwelta ni Paduano.
“Nag-ALS po ako, ilang beses lang po ako pumasok,” palusot ni Ong.
Humirit naman si Antipolo City Rep. Romeo Acop. “Ako po’y matanda na eh pero alam ko pa rin kung saan ako nag-graduate ng elementary school. Alam ko rin kung anong buwan at taon ako ikinasal. Tapos ikaw batambata ka pa hindi mo alam kung kailan ka nagtapos. Anak ng tinapay naman ooh.”
Matapos na muling hindi makakuha ng direktang sagot, nag-mosyon si Paduano na i-cite in contempt si Ong. Inaprubahan ang mosyon nang walamg pagtutol sa hanay ng mga kongresista.
Sumunod namang nag-mosyon si Acop na ikulong si Ong sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City “if our detention facilities would already be full.” Inaprubahan din ang mosyon.
Si Ong ay nauna ng na-cite in contempt at ipinag-utos na ikulong ito sa detention facility ng Kamara.
