TALIWAS sa inaasahan, walang magaganap na pagtugis laban sa naglipanang e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing kalsada sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang kalatas, inihayag ni Assistant Secretary Markus Lacanilao na tumatayong hepe ng Land Transportation Office (LTO), ang suspensyon sa operasyon kontra light electric vehicles.
Gayunpaman, nilinaw ni Lacanilao na hindi ibabasura ng kawanihan ang pagtugis sa mga e-bikes at e-trikes. Katunayan aniya, tuloy ang pag-impound ng mga light electric vehicles na bumabaybay sa mga pangunahing lansangan pagsapit ng Enero 2 ng susunod na taon.
Paliwanag ng LTO chief, a suspensyon sa operasyon ay magbibigay ng sapat na panahon sa mga may-ari at driver ng mga e-bikes at e-trikes na basahin at unawain ang regulasyon bago pa man ang ganap na implementasyon.
“Bilang tugon sa mga hinaing ng publiko, narinig ng ating Pangulong Bongbong Marcos at ni Secretary Giovanni Lopez ang inyong concern. Kaya pansamantalang walang impounding operation habang nagpapatupad muna kami ng malawakang information drive upang bigyan ng sapat na panahon ang lahat na maunawaan at makasunod sa umiiral na regulasyon.” wika ni Lacanilao.
“Pagdating sa January 2, 2026 magsisimula na ang strict enforcement at wala nang extension. Kasama rito ang apprehension para sa mga lalabag sa pagbabawal sa mga national highway,” pahabol ng LTO chief. (LILY REYES)
