
MISTULANG barya ang umano’y pakinabang ng mga senador kumpara sa kotong na umano’y idineliver pa mismo sa bahay ni Ako-Bicol partylist Congressman Zaldy Co.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni dating Bulacan 1st Assistant District Engineer Brice Hernandez siya ang naghatid ng humigit kumulang P1 bilyon sa bahay ni Co.
Katunayan aniya, kinailangan ng pitong van para isakay ang nasa 20 maletang naglalaman ng pera na nakalaan aniya sa partylist congressman na nagsilbing chairman ng House Appropriations Committee sa ilalim ng 19th Congress.
Kwento ni Hernandez, nakalagay sa mga maleta ang limpak-limpak na perang kanyang dinala sa bahay ng kongresista, alinsunod sa bilin ni dismissed Bulacan District Engr. Henry Alcantara.
Gayunpaman, nilinaw ni Hernandez na hindi si Co ang humarap para tanggapin ang salaping komisyon ng mambabatas bilang “proponent” ng mga flood control projects sa mga lokalidad na sakop ng Bulacan 1st Engineering District.
“Ang pinakausap po sa amin, yung tao niya pong pangalan ay Paul,” wika ni Hernandez.
“Maraming maleta po ng pera yun… Tingin ko po, bilyon po yun. Ang laman po ng isang maleta ay nasa P50 million. Mahigit po sa 20 maleta,” aniya pa.
Pinatotohanan naman ni dating Bulacan First District Assistant Engineer Jaypee Mendoza ang testimonya ni Hernandez.
“Kumbago po diretso sa elevator paakyat sa penthouse, sa pinakataas,” giit ni Mendoza.
Maliban aniya sa penthouse ni Co sa Shangri-La, nagdala rin umano sila ng pera sa bahay ng kongresista sa Valle Verde Village sa Pasig City. (ESTONG REYES)