
HINDI pa man nag-iinit sa pwesto, agad na nagpakitang-gilas si Ombudsman Crispin Remulla, kasabay ng anunsyo sa pagbuhay sa reklamong inihain kaugnay ng Pharmally scandal sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Remulla, muli niyang hahalukayin ang tila ibinaon na kaso kaugnay ng nadiskubreng overpricing sa mga biniling supply noong kasagsagan ng pandemya.
“Sisilipin natin yan, kasi nga parang nalimutan na eh, nabaon sa limot, pero hindi dapat makalimutan talaga itong mga ganitong kaso,” pahayag ni Remulla.
“Kasi alam natin mabigat ang alingawngaw at maraming nagsasabi na may nangyari ngang masama doon. May naging pagdinig sa Senado ngunit hindi na umandar,” dagdag ni Remulla.
Una rito, sinabi ni dating Blue Ribbon Committee Chairperson Richard Gordon na dapat na busisiin ng bagong Ombudsman ang Pharmally scandal kung saan bahagi ng kontrobersiya si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang “part and parcel of the conspiracy.”
Sa pagtataya ng iba’t ibang grupo, hindi bababa sa P11 hanggang P47 bilyon ang sangkot sa Pharmally fiasco.
Kabilang sa mga inireklamo si dating Health Secretary Francisco Duque at dating Undersecretary Christopher Lao ng Department of Budget and Management..
Dawit din sa kaso sina Liong mula sa PS-DBM at Pharmally officials na sina Mohit Dargani at Linconn Ong.
Naghain naman ng not guilty sa Sandiganbayan ang iba pang akusado na sina Allan Raul Catalan, Dickson Panti at Gerelyn Francisco Vergara. (LILY REYES)