TIWALA ang pamunuan ng Kamara na mas magiging malakas ang sektor ng edukasyon matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12315 para sa pinalawig na Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Sa pangunguna ni Speaker Faustino Dy III, binigyang pagkilala ng Kamara ang sinseridad ni Marcos na tiyakin ang magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Ayon kay Dy. ang ganap na pagsasabatas ng RA 12315 ay katuparan sa hangarin ng Kongreso at administrasyong Marcos sa pagsusulong ng long-term reforms sa education sector.
“Ang paglagda ng Pangulo sa panukalang magpapalawig sa EDCOM II ay malinaw na patunay ng iisang paninindigan ng Kongreso at ng administrasyon — seryoso tayo sa reporma sa edukasyon,” anang lider ng Kamara.
“Hindi ito simpleng extension. Ito’y isang malinaw na mensaheng ang mga repormang sinimulan ay kailangang tapusin, palalimin, at tiyaking may pangmatagalang epekto sa buhay ng ating mga mag-aaral, guro, at pamilya,” sambit ni Dy.
Ibinida rin ni Dy ang matibay na paninindigan ng Kamara — ang suportahan ang makabuluhang reporma sa sangay ng edukasyon hindi lamang sa pamamagitan ng pag-apruba sa mga kaukulang panukalang batas kundi maging ang pagtitiyak na mayroong sapat na pondo nakalaan para dito.
Partikular na tinukoy ni Dy ang garantiyang may pondong nakalaan sa mga programa at proyektong may kinalaman sa edukasyon at mga kabataan.
Inihalimbawa ng lider kongresista ang makasaysayang 2026 General Appropriations Act kung saan naglaan ang Kongreso ng tumataginting na P1.3 trillion alokasyon para sa iba’t-ibang programa sa basic education, higher education at technical-vocational training.
“Ipinapakita ng Kongreso ang determinasyon hindi lamang sa batas, kundi pati sa pondo—sa pagbibigay ng pinakamalaking badyet para sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa. Dahil naniniwala tayo na ang tunay na puhunan ng bayan ay ang edukadong Pilipino,” sambit pa ng House Speaker.
Samantala, bisa ng RA 12315, binigyan ng panibagong mandato ang EDCOM II sa pagsusulong ng policy reforms sa aspeto ng pagpapabuti ng curricula, teaching methods at assessments batay sa global standards.
Pinatututukan din sa EDCOM II ang kakulangan sa school infrastructure, learning resources at teacher’s training.
Ani Speaker Dy, sa pamamagitan ng naturang komisyon, masisiguro na ang mga polisiya sa sektor ng edukasyon ay nakabatay sa tunay na kalagayan sa bawat bahagi ng bansa.
“Sa EDCOM II, sinisiguro natin ang mga desisyon sa edukasyon ay batay sa datos, karanasan, at aktwal na pangangailangan sa buong bansa. Ito ang tamang hakbang, sa tamang panahon, para sa kinabukasan ng ating kabataan.” (ROMER R. BUTUYAN)
