MATAPOS ang apat na dekada, muling isinusulong ang pagkalas ng Mindanao sa Republika ng Pilipinas.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Atty. Jimmy Bondoc na higit na kilala bilang kaalyado ni former President Rodrigo Duterte, ang aniya’y napipintong pagkalas ng Mindanao para sa kasarinlan bilang isang bukod na republika.
“Republic of Mindanao, coming soon,” wika ni Bondoc sa kanyang Facebook post matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) ang hirit na interim release ng dating Pangulong nakapiit sa The Hague, Netherlands bunsod ng kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Buwan ng Oktubre nang unang lumutang ang usapin hinggil sa Mindanao secession.
“Mindanao could’ve been like Singapore if it wasn’t for the Corrupt Politicians in the NCR,” sambit ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Para naman kay Atty. Jesus Falcis, lubhang mapangahas ang hirit ni Bondoc, kasabay ng giit na maaaring kasuhan ang abogadong kaalyado ng mga Duterte dahil sa pagsusulong ng secession ng Mindanao.
“Pakitawag ang PNP at DOJ pakisabi merong inciting to or conspiracy to commit sedition or rebellion,” diin ni Falcis.
Idinagdag pa nito na maaaring matanggalan ng lisensiya si Bondoc dahil sa pagsusulong ng secession na labag sa Konstitusyon.
“Paki carbon copy sa email ang Supreme Court dahil abogado po yan. Yes, abogado yan hindi lang halata. Abogado pero nagtatawag for the dismemberment of the territorial integrity and unity of the Philippine Republic,” hirit ni Falcis.
“Nanumpa pa yan to uphold and defend the Constitution – Article 1 of which states the National Territory which includes Mindanao.” (DANA NICOLE AYAGAN)
