
WALA nang plano pang bumalik sa Pilipinas si Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co sa kabila ng 10-araw na ultimatum na inilabas ng Kamara.
Batay sa mga kumakalat na social media post, isang pahayag umano ang inilabas ng kontrobersyal na partylist congressman — Mas gugustuhin pa umano ng mambabatas magbitiw na lamang bilang kongresista sa halip na sundin ang direktiba.
Gayunpaman, wala pang kumpirmasyon hinggil sa naturang social media post ang tanggapan ni Co na nagsilbing chairman ng House appropriations committee sa ilalim ng 19th Congress.
Ayon sa isang impormante ng Saksi Pinas, umalis sa bansa si Co nitong huling linggo ng nakalipas na buwan. Mula sa Pilipinas, unang lumapag umano si Co sa Singapore bago tumulak sa Estados Unidos para sumailalim sa medical check-up.
Sa panig naman ni Rep. Alfredo Garbin na kasamahan ni Co sa Ako Bicol partylist group, kailangan pumunta ni Co sa Amerika para magpagamot bunsod ng sakit sa puso. Kasama rin aniya sa pakay ng paglisan ang pag-aasikaso sa pag-aaral ng anak sa naturang bansa.
Ayon kay Garbin, walang ilegal sa pagbiyahe ng kapwa kongresista. Katunayan aniya, binigyan ng travel authority ng pamunuan ng Kamara ang kapartidong si Co para makalabas ng bansa. Nakasaad din aniya sa travel authority ang mga destinasyon para sa pagpapa konsulta, pagkuha ng second opinion bago sumalang sa pagpapagamot.
Kabilang si Co sa mga dawit sa 2025 budget insertion. Kaladkad din sa maanomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Sunwest Construction and Development Corporation na pag-aari ng pamilya.
Araw ng Biyernes nang maglabas ng direktiba si House Speaker Faustino Dy para kanselahin ang nasabing travel authority ni Co.
Sa isang liham, binigyan lang ng 10 araw ng pamunuan ng Kamara si Co para bumalik sa bansa.
Pag-amin ng bagong House Speaker, walang katiyakan kung nasaan ang “nawawalang” partylist solon.
Gayunpaman, usap-usapan sa hanay ng mga miyembro ng Kamara ang paglipad ni Co sa Europa para magtago.
“Hintayin natin, tutal binigyan naman siya ng sampung araw para malaman natin kung ano ang magiging kasagutan ni (Congressman) Zaldy Co,” ani Dy.
Sa sandaling hindi tumalima si Co sa utos ng Kamara, ibinahagi ni Dy ang susunod na hakbang ng Kamara — ang pagdulog sa House Committee on Ethics and Privileges. (ROMER R. BUTUYAN)