PLANONG kwestiyunin ng Department of Justice (DOJ) ang desisyon ng Manila Regional Trial Court na nagpawalang-sala kay former Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa kasong murder.
Partikular na tinukoy ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang pasya ng Manila RTC Branch 15 na nagbasura sa murder case na isinampa laban sa dating kongresista kaugnay ng pagpaslang kay former Negros Oriental provincial board member Miguel Lopez Dungog noong 2019.
Ayon kay Fadullon, ang inisyung ‘acquittal’ ng korte ay bunsod sa sinasabing hindi umano sapat ang ebidensya laban sa dating mambabatas.
Suspetsa ni Fadullon, ang pagkakaroon ng isang testigo lamang na nagtuturo kay Teves bilang mastermind sa krimen ang posibleng pinagbatayan ng desisyon ng korte.
Gayunpaman, nilinaw ni Fadullon na kailangan munang pag-aralan ng prosekusyon ang motion for reconsideration na isusumite sa husgado.
Sa kabila ng pagkakabasura sa naturang asunto, tiniyak naman ng Department of Justice na mananatili sa piitan ang dating congressman na nahaharap pa sa santambak na kasong kriminal kabilang ang mga sumusunod:
- 10 counts of murder sa Manila RTC Branch 51
- 13 counts of frustrated murder sa Manila RTC Branch 51
- 4 counts of attempted murder sa Manila RTC Branch 51
- 1 count of murder sa Manila RTC Branch 12
- 1 count of murder sa Bayawan RTC Branch 63
- Illegal possession of firearms and explosives sa Manila RTC Branch 12
- Violation of the Terrorist Financing Prevention and Suppression Act sa Quezon City RTC Branch 77.
