HINDI umubra sa Palasyo ang palusot na “emergency meeting” ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil sa pagpasok sa EDSA Busway ng mga pambansang pulisya.
Para kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, malinaw ang patakaran sa paggamit ng EDSA Busway – para lang sa bus at piling opesyal ng gobyerno.
Payo ni Castro sa PNP, umalis ng maaga para umabot sa “emergency meeting.”
Dapat din aniyang alamin ng PNP kung alin ang mga exempted sa EDSA Busway base sa inilabas na panuntunan at patakaran ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
“Hindi kasama doon yung emergency meeting. Kung may emergency meeting mas mabuti na umalis sila ng mas maaga sa kanilang bahay,” wika ni Castro.
Bago pa man naglabas ng posisyon ang Palasyo, kabi-kabilang batikos ang inabot ng hepe ng pambansang pulisya matapos pumasok at dumaan sa EDSA busway ang convoy ng heneral.
Gayunpaman, itinanggi ni Marbil na sakay siya ng nasabing convoy nang dumaan sa busway.
