PARA kay Senador Robin Padilla, hindi kailangan maging kaalyado para maglambing sa Palasyo.
Sa isang liham sa Palasyo, hiniling ni Padilla kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na italaga bilang chairman ng Regional Development Council (RDC) ng Bicolandia ang kapatid na si Camarines Norte Governor Ricarte Padilla
Sa naturang liham na tinanggap ng Office of the President, ibinida ni Padilla ang kakayahan ng kapatid na gobernador sa pagpapaunlad ng Bicol region. Aniya, malaking bentahe sa ekonomiya ng Bicolandia ang husay ng kanyang utol.
Taong 1972 nang likhain sa bisa ng Letter of Implementation (LOI) No. 22 ang Regional Development Council na may mandatong bumalangkas economic development plan at polisiya sa nasasakupang rehiyon.
Wala pang tugon si Marcos sa hirit ni Padilla na mas kilala bilang malapit na kaalyado ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
