
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA serye ng pakikipagpulong ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga ranking American legislators, pormal na hiniling ang pagpapalawig ng joint military exercises gayundin ang pagtaas sa military financing na kaloob sa Pilipinas.
Kasabay nito, malugod ding tinanggap ng lider ng 300-plus strong House of Representatives ang Philippine Enhanced Resilience Act of 2024 (PERA Act) na inihain sa ES Senate nina Sen. William Francis Hagerty (Republican-Tennessee) at Sen. Tim Kaine (Democrat-Virginia).
Ayon kay Romualdez, sa ilalim ng PERA Act, target ng dalawang US senators ang $500 million kada taon na military aid simula taong 2025 hanggang 2029 – katumbas ng tumataginting na $2.5 billion sa loob ng limang taon.
Binigyan-diin naman ng House Speaker ang kahalagahan mapalawak ang multilateral joint military exercises sa Pilipinas, hindi lamang upang mapagbuti ang defense strategies kundi para mapatatag din ang ugnayan ng mga magka-alyadong bansa at matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Ginawa ni Romualdez ang kahilingan sa pakikipag-usap kina Hagerty, Sen. Christopher Van Hollen ng Maryland, Rep. Gary Palmer ng Alabama, at iba pang US officials sa layuning isulong ang national defense at regional security cooperation.
“These exercises have shown their significant importance in boosting our tactical and operational prowess. With this program, we can improve stability, security, and peace in the Asia-Pacific region and better safeguard our nation,” giit ni Romualdez.
Sa hangarin madagdagan pa ang foreign military financing na inilaan sa Pilipinas, kumpiyansa ang lider ng Kamara na pagbibigyan ang hiling bunsod ng matatag na alyansa ng dalawang bansa bilang tugon sa mas mataas na antas seguridad sa Pasipiko.
Kabilang rin sa tinalakay sa pulong ang kasalukuyang estado ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika – kabilang ang anunsyo ni President Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa apat na karagdagang EDCA Agreed Locations – bukod sa limang una nang tinukoy.