WALANG pag-aalangan inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang magbibigay ng special powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tugunan ang panawagan suspendihin o bawasan ang excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.
Target ng House Bill 8414 ibsan ang pasakit na dulot ng mega oil price hike na dulot ng lumalalang tensyon sa Strait of Hormuz kung saan dumadaan ang 20 porsyento ng pangangailangan ng langis sa buong mundo.
Matapos aprubahan ng Ways and Means Committee noong Martes, agad na isinalang sa plenaryo para sa second reading ang proposed measure kung saan tumayong sponsor ang chairman ng una si Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo.
Giit ng House panel head, hindi dapat mabalam ang pag-apruba sa HB 8414 bunsod na rin ng malaking hamon na dala ng pagsiklab ng giyera sa Middle East.
“Ang pagsuspinde ng excise tax sa langis ang unang hakbang na kailangan nating gawin upang maibsan ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis. Totoo, may kaakibat itong sakripisyo. Bababa ang pondo ng gobyerno. Ngunit ang sakripisyong ito ay para sa kapakanan ng mga mamamayan at ng ating ekonomiya,” wika ni Quimbo.
“Kung pababayaan natin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, darating ang panahong wala nang kakayahang bumili ang karaniwang Pilipino. Magsisimula itong magpabagal ng kalakalan, magpahina ng kabuhayan, at unti-unting magdulot ng economic contraction,” dagdag niya.
Sa panig ni House Majority Leader Rep. Sandro Marcos, isa sa pangunahing may-akda, kasama si House Speaker Faustino Dy, sinabi niyang ang pagbalangkas ng nabanggit na panukala ay nabuo sa gitna nang naging resulta ng nabanggit na labanan partikular ang malaking pagsipa sa presyo ng langis, na apektado kapwa ang buong mundo at sambayanang Pilipino.
“The bill is built for moments when global disruptions push fuel prices upward fast and Filipino families need the government to respond with speed and precision.”
“This bill gives the President a measured tool to cushion that shock, with clear triggers, clear limits and clear reporting when the prices of fuel and basic commodities get too high. Proteksyon ito sa mga mamamayan sa biglaang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” paliwanag pa ni Marcos.
Binigyang diin ni Marcos at Dy ang kahalagahan ng sapat na kahandaan ang pamahalaan sa tuwing may pagsipa sa bunsod ng pandaigdigang kaganapan tulad ng digmaang nakakaapekto sa global supply at presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang Pangulo ng bansa ay bibigyan ng kapangyarihan i-suspend o pababain ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag mayroong national global economic emergencies, sa bisa ng pag-amyenda sa National Internal Revenue Code of 1997.
Garantiya ni Quimbo, ang panukalang special powers ay hindi “open-ended” at mayroong mga nakalatag na safeguards upang maprotektahan kapwa ang consumers at katatagang pampinansyal ng pamahalaan.
“To prevent abuse and to protect government revenues, the measure sets a firm duration limit of up to six months per suspension or reduction, unless Congress extends or terminates earlier through a joint resolution, and it caps the aggregate period at not more than one calendar year.”
“The bill also requires that the suspension or reduction be lifted once the extraordinary conditions no longer exist, and it provides for the automatic reinstatement of the excise tax rates after the period ends without need of further government action,” pagtatapos ni Quimbo. (ROMER R. BUTUYAN)
