
WALANG plano ang administrasyon palampasin ang pinakabagong patutsada ni Vice President Sara Duterte sa bantang ipapahukay ang labi ng ama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — para ipatapon sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, nagpahayag ng pagkadismaya si Justice Secretary Crispin Remulla, kasabay ng giit hindi angkop para sa isang mataas na opisyal ng gobyerno ang tinuran ng pangalawang pangulo.
Pag-amin ni Remulla, masusing pag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang posibleng paghahain ng kaso laban kay Duterte dahil sa aniya’y planong pagpapahukay sa labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani.
“It desecrates the memory of a person, it desecrates the peaceful state that he must be in, having already perished, to disturb the body and there are many other moral principles that are being violated, and we are looking at the legal aspects also. We are conducting a study,” bwelta ni Remulla.
“For a person of her rank, second highest official of the land, the remarks are unbecoming, I think. And it does not augur well for the dignity of the office,” dugtong ng Kalihim.
Sa isang pulong balitaan, ibinahagi ni Duterte ang mensaheng ipinaabot kay Senador Imee Marcos — ipahuhukay ang bangkay ng ama ng senadora at itatapon sa West Philippine Sea kapag hindi tumigil sa mga political attack laban sa kanya.
“Isang beses sinabihan ko talaga si Sen. Imee, sabi ko pag di kayo tumigil, huhukayin ko yang tatay nyo, itatapon ko siya sa West Philippine Sea. One of these days pupunta ako dun, kukunin ko yang katawan ng tatay nyo, tapon ko yan don sa West Philippine Sea,” wika ni Duterte.
“I think it’s very disturbing. Lahat naman tayo, hindi natin gusto iyong narinig natin,” pahabol ni Remulla.