KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na hindi muna nagpalabas ng warrant of arrest ang San Pablo Regional Trial Court laban sa puganteng si Atong Ang, na itinuturong utak sa likod ng tinaguriang “missing sabungero.”
Ito ay matapos maghain ang kampo ni Ang ng Motion to Defer Proceedings, na humihiling na ipagpaliban ang pag-usad ng kaso para timbangin pa ng korte kung sapat ang ebidensya ng prosekusyon para sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention — mga asuntong walang piyansa.
Ayon kay DOJ Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, inatasan ng korte ang kagawaran magsumite ng mga karagdagang dokumento at ebidensya na magiging batayan kung dapat bang maglabas ng arrest warrant.
Ipinagtataka naman ng DOJ kung bakit iba ang nagiging interpretasyon ng San Pablo RTC kumpara sa mga korte sa Sta. Cruz, Laguna at Lipa City, Batangas, na una nang nagpalabas ng warrant of arrest, gayung pareho lamang ang mga ebidensyang inihain ng DOJ. (JULIET PACOT)
