PARA sa mga eksperto sa larangan ng kalusugan, hindi na dapat maantala ang implementasyon ng Republic Act 10871 (Basic Life Support Training in Schools Act) na mas kilala sa tawag na Samboy Lim Law.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay, binigyang-diin ni Dr. James Cayetano, kilalang cardiologist at direktor ng Bell Kenz Pharma Inc. ang bentahe ng agarang pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para ganap nang ipatupad ang batas na magsasalba sa buhay ng mga Pinoy na may sakit sa puso.
Sa ilalim ng Samboy Lim Law, inaatasan ang mga pribado at pampublikong paaralan na ituro ang CPR o ang Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) at mga basic life support sa mga estudyante.
Giit ng doktor, malaki ang ambag ng pagkain sa mga karamdamang humahantong sa kamatayan — higit lalo ngayong buwan ng Kapaskuhan kung saan aniya kabi-kabilang ang handaang kalakip ng pagdiriwang.
Ayon kay Dr. Cayetano, pangunahing dahilan ng atake sa puso ay hypertension na dulot ng hindi balanseng pagkain at lifestyle.
Payo ni Dr. Cayetano sa publiko iwasan ang sobrang pagkain ng mga matataba at mamantikang pagkain, pag-inom ng beer o alak, paninigarilyo, kawalan ng ehersisyo at kulang sa tulog.
Nalaman din kay Dr Cayetano na tumataas ang bilang ng inaatake sa puso tuwing mga buwan ng Nobyembre, Disyembre at Enero ng susunod na taon.
Maaari naman aniyang uminom ng dalawang bote lang ng alak pero in moderation lamang, kung maaari dapat hindi araw-araw.
Kaugnay nito, nagbigay si Dr. Cayetano (kasama ang ilang kapwa manggagamot) ng training sa media at mga hotel staff tungkol sa pagsasagawa ng CPR upang maibahagi at maituro ng mga trainee sa kanilang pamilya, mga kasama sa trabaho ang CPR sa panahon ng emergency. (JULIET PACOT)
