BUKOD sa pinsala sa imprastraktura, nalagay din sa peligro ang buhay ng mga residente sa mga lalawigang sakop ng Central Visayas bunsod ng banta ng leptospirosis sa nasabing rehiyon.
Batay sa tala ng Department of Health (DPH) regional office, pumalo na sa 744 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng leptospirosis sa Central Visayas mula buwan ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Ayon sa DOH, ang mga tinamaan ng leptospirosis ay mula sa mga lugar na dumanas ng matinding pagbaha bunsod ng bagyong Tino.
Karamihan umano sa mga pasyente ang nakaranas ng lagnat, panginginig, sakit ng ulo, at pamumula ng mata matapos lumusong sa tubig baha.
Samantala, 715 pasyente na anila ang ligtas na sa nakamamatay na karamdaman, kasabay ng pagtitiyak na may sapat na suplay ng doxycycline ang mga pampublikong pagamutan sa mga lugar na sakop ng Central Visayas region.
Sa kaugnay na balita, nanawagan ang kagawaran sa mga mamamayan. Anila, agad magpakonsulta kung nakakaranas ng sintomas ng leptospirosis.
