GANAP nang sumipa ang pagtugis ng Land Transportation Office (LTO) sa mga e-trikes sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sa isang kalatas, kabilang sa lugar na tinukoy ni LTO chief Markus Lacanilao na bawal daanan ng mga e-trike ang EDSA, C-5 Road, Roxas Boulevard at ang rutang Quirino Avenue hanggang Magallanes-South Luzon Expressway (SLEX), alinsunod sa umiiral na patakaran ng MMDA.
Paglilinaw ni Lacanilao, hangad lamang umano ng ahensya tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga pangunahing kalsada, kasabay ng giit na ang mga highway ay dinisenyo para sa mabilis at malaking sasakyan.
Para sa LTO chief, lubhang mapanganib sa mga sakay ng e-trikes makipagsabayan sa mga mas malaking sasakyan.
“Ang pagsabay ng mababagal at magagaan na sasakyan sa ganitong uri ng kalsada ay nagdudulot ng malinaw na panganib sa lahat ng gumagamit ng daan,” paliwanag ni Lacanilao.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na hindi hangad ng LTO ipagbawal ang e-trike. Katunayan aniya, nakatakdang makipag-ugnayan ang ahensya sa mga local government units para sa pagtatakda ng ligtas at angkop na ruta para sa mga mas maliit na sasakyan tulad ng e-trike.
Sa ilalim ng bagong patakaran, papatawan ng multa at iba pang kalakip na parusa ang mga mahuhuling lumabag sa Republic Act 4136 at Joint Administrative Order No. 2014-01.
Maglalagay na rin ang LTO ng mga enforcer sa mga kritikal na lugar upang ipaalam at tiyaking nasusunod ang nasabing patakaran.
Nanawagan din ang LTO sa publiko ng kooperasyon at mahigpit na pagsunod sa umiiral na mga patakaran sa trapiko, alang-alang sa kaligtasan ng lahat. (LILY REYES)
