LANTARANG hinamon ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na patindihin pa ang kampanya laban sa katiwalian — hindi lamang sa flood control projects kundi sa buong makinarya ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, nanindigan si Lacson sa kahalagahan ipakita ng Pangulo ang sinseridad ng administrasyon kontra korapsyon sa pagpasok ng taong 2026. Si Lacson ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-imbestiga sa multi-billion corruption sa flood control na kinasangkutan ng ilang mambabatas
Umaasa din ang senador na tutumbasan ni Pangulong Marcos ang kanyang pagpapakita ng katulad na bagsik sa krusada kontra korapsyon para ganap na malinis ang gobyerno at makulong lahat ng sangkot – kabilang ang mga kaanak at kaalyado.
Ani Lacson, ito ang inaasahan ng mga Pilipino mula sa mga lingkod-bayan, lalo na’t nananatili ang galit sa sambayanan matapos mabisto kung paano pinaglaruan ang kaban ng bayan na mula sa dugo at pawis ng mga mamamayan.
“On a personal note, I thank 2025 for bringing back all my staff that I left behind in 2022, plus a few assets more. With renewed tenacity and hard work, I am even more encouraged to expose more corruption issues that are similar to what has become the most blatant and unprecedented misuse and abuse of the national budget since I left the Senate three years ago,” aniya.
“With a more awakened and angrier citizenry who have never been exposed before to more detailed acts of corruption and plunder of their hard-earned tax money, our national leaders have to brace themselves to address more corruption issues in 2026,” dagdag niya.
Bumalik si Lacson sa Senado noong kalagitnaan ng 2025, matapos makamit ang mandato ng mamamayan noong May 2025 midterm elections.
Aktibo siyang naglantad ng detalye tungkol sa pandarambong sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng mga palpak at guniguning flood control projects, sa pamamagitan ng dalawang privilege speech at sa pamumuno sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
“I am looking forward to be actively involved again, along with my team of like-minded individuals with renewed vigor and courage to contribute our share in informing the public through our investigations and research work in ways we know best,” aniya tungkol sa kanyang inaasahan sa 2026.
Umaasa din si Lacson na ipapakita ng Pangulo na hindi siya matitinag laban sa korapsyon sa natitirang mga taon ng kanyang termino, lalo na’t tila nakuha niya ang momentum matapos ang binitiwan niyang pahayag na “Mahiya naman kayo” sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
“I hope the President will not waver in his remaining years in office. I thought the momentum was already on his side with his famous ‘Mahiya naman kayo!’ SONA remark. Unfortunately, the Filipino people’s perception has not been kind to him, as what the latest surveys have indicated,” aniya. (ESTONG REYES)
