Ni LILY REYES
LUBHANG nababahala sa kaligtasan ng kanyang pamilya ang negosyante matapos di umano magbanta ang nakarelasyong police colonel na maaari siyang maglaho tulad ng nangyari sa beauty queen na si Catherine Camilon sa lalawigan ng Batangas.
Ginawa ng biktima ang pagsisiwalat laban sa ranking police official na nakabase sa punong himpilan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame matapos na maghain ito ng kaso sa Office of the Ombudsman noong Huwebes.
Inamin ng ginang na ilang taon rin siyang nakipagrelasyon sa police colonel, pero nang nagpasya umano siyang putulin na ang kanilang relasyon ay ipinadala nito ang kanilang sex video sa kanyang pamilya.
“He uses the official position to threaten the lives and safety of the complainant and her family by bragging that he can make enforced disappearances,” nakasaad sa reklamo ng ginang kay Ombudsman Samuel Martires.
Nagsampa ang ginang ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa police colonel matapos na ipadala ang isa sa kanilang mga sex video sa kanyang mister at 17-anyos na anak na babae.
