Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang pagpapatupad ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program, na isa ring inisyatiba ng Kamara, sa Agusan del Norte kung saan nasa 3,000 maralitang residente, senior citizens, PWDs, solo parents at katutubo ang nakabahagi ng financial at rice aid.
Ang nasabing aktibidad ay idinaos sa Provincial Capitol Gym sa Butuan City ngayong araw, na kasabay sa pagbubukas ng dalawang araw na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa naturang lalawigan.
“Kagalakan po namin na makasama kayo ngayong araw upang maghatid ng pag-asa sa aming mga kababayan sa CARAGA Region. Narito po kami dahil tapos na po ang panahon kung saan ang inyong mga pinuno ay hindi nakikita o nakikita lamang tuwing kampanya,” ang bungad ni Speaker Romualdez sa kanyang talumpati kaugnay ng naturang programa.
“Narito kami dahil nais naming masigurado na ang mga batas na aming binabalangkas, kasama dito ang paglalagay ng pondo sa mga programang tumutulong sa taong bayan, ay talagang natutupad at nararamdaman ng mamamayan. Kasama po ito sa aming sinumpaang tungkulin,” dagdag pa ng lider ng 300-plus strong member na House of Representatives.
Matatandaan na ang CARD Program ay pangunahing binuo ni Speaker Romualdez at sagot na rin sa hamon ni Presidente Marcos para sa Kamara na tumulong sa pagresolba sa nararanasang pagtaas sa presyo ng bigas at suportahan ang mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob ng rice at cash assistance.
“Sa programa po na CARD, tinutugunan po ng pamahalaan ang naisin ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos na walang magugutom, at ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay palaging abot-kamay ng karaniwang tao,” ang pagpapaliwanag ng Leyte lawmaker sa nasabing programa.
“Sa umaga pong ito, mabibigyan po kayo ng bigas at dagdag-pondo na pwedeng gamitin para makapag-simula ng kabuhayan. Isa lamang po ito sa maraming programa ng pamahalaan na tumutugon sa inyong pangangailangan,” pahayag pa niya.
Kasama ni Speaker Romualdez sa Provincial Capitol gym sina Sen. Bong Revilla, Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” S. Aquino, at mahigit sa 60 iba pang miyembro ng Kamara.
Nabatid kay Speaker Romualdez na nasa kabuuang 3,000 taga-Agusan del Norte ang tumanggap ng P3,000 mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan katumbas ng P1,000 para sa 25-kilogram sack of rice o halagang P40 per kilo, at cash aid na P2,000 para miscellaneous essential expenses ng mga benepisyaryo.
“Kami po ay magpapatuloy sa aming pagi-isip at pagpapatupad ng iba pang programa para sa inyong pag-asenso, para kami ay mananatiling karapat-dapat sa inyong tiwala,” pagtitiyak naman ng House Speaker.
“Umasa po kayo na ang inyong lingkod, kasama ng aking mga kapwa mambabatas sa Kamara de Representante, ay magta-trabaho ng mas masigasig upang mas marami pang mga Pilipino ang matulungan na makamit ang kanilang pangarap na mas magandang buhay,” dugtong pa niya.
