KUNG pagbabatayan ang malaking kapakinabangan ng isang evacuation center sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Leyte, higit na angkop isulong ang katulad na pasilidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Tingog partylist Rep. Jude Acidre ang “family-friendly evacuation hub at model disaster preparedness project” na magkatuwang na naisakatuparan sa sabayang pagkilos nina dating House Speaker Martin Romualdez (1st District, Leyte), San Miguel Municipal Mayor Norman Sabdao at ng Tingog partylist group.
Sa pagragasa ni bagyong Tino, hindi bababa sa 549 pamilya (katumbas ng mahigit 2,000 katao) ang pansamantalang nanuluyan sa nasabing pasilidad para makaiwas sa kapahamakan dala ng malakas na hampas ng hangin na sinabayan pa ng mabigat na buhos ng ulan.
Ayon kay Acidre, hindi tulad ng ibang evacuation centers ang nagsilbing kanlungan ng mga residente sa gitna ng ngitngit ng bagyong Tino. Katunayan aniya, may family room at breastfeeding area ang San Miguel evacuation hub na may akmang idinisenyo para sa panahon ng kalamidad.
“We want our evacuees to feel safe, cared for, and treated humanely even in crisis,” sambit pa ni Acidre, na siya ring chairman ng House Committee on Higher and Technical Education.
Dagdag ni Acidre, sa pagtutulungan nina Romualdez, Tingog Partylist, at Sagdao, ang San Miguel evacuation complex ay itinayo ng mayroong magkakahiwalay na family rooms, dedicated breastfeeding corner, malinis at komportableng palikuran, maayos na lighting system, sleeping quarters, at storage para sa relief goods.
Bahagi rin sa naging disenyo nito ay ang accessible spaces para senior citizens, persons with disabilities, at mga bata.
“This is more than an evacuation site — it’s a home in times of need,” pagmamalaki pa ni Acidre.
Sa panig ni Romualdez, sinabi niyang ang kanyang mahusay na koordinasyon ng kanyang opisina at ng Tingog Partylist, ay nakapagbibigay sila ng kinakailangan suporta sa mga lokal ng pamahalaan hindi simpla sa Leyte kundi sa buong Eastern Visayas.
“Our aim is simple — every Filipino family must have a safe and decent place to stay when disaster strikes,” dagdag ni Romualdez.
Samantala hindi naman naitago at lubos ang kasiyahan ng mga nagsilikas na residente sa pinagdalhan sa kanila na evacuation hub, na hinangaan din nila ang disenyo nito.
“May kwarto para sa mag-asawa, may lugar para sa mga nanay at sanggol — hindi lang kami basta pinasok dito, pinangalagaan kami,” sambit ng isang ginang na kabilang sa mga inilikas. (ROMER R. BUTUYAN)
