TALIWAS sa giit ng alkalde ng Davao City, may mga irregularidad na nasilip ang isang militanteng kongresista sa baluarte ni former President Rodrigo Duterte.
Sa isang kalatas, hinikayat ni House Deputy Minority Leader and Act Teachers partylist Rep. Antonio Tinio ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), Office of the Ombudsman at ng Commission on Audit (COA) na suriin at imbestigahan ang 80 kontratang kalakip ng mga imprastraktura sa Davao City.
Partikular na tinukoy ni Tinio ang mga flood control projects sa Davao at Matina rivers mula 2019 hanggang 2022.
Base aniya sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang budget documents, may mga “serious red flags’ sa 80 projects contracts, na may kabuuang halagang P4.35 billion.
Paglilinaw ng kongresista, ang 80 kontrata ay bahagi lang ng 121 flood control projects na may kabuuang halagang aabot sa P6.06 billion.
“Our analysis reveals a pattern of irregularities that demands explanation and accountability. There are indicators that point to ghost projects, double funding, location changes, gross overpricing, and contracts awarded without clear specifications,” anang ranking House minority official.
Dagdag ni Tinio, sa 121 flood control projects, 79 proyekto ay pinondohan ng P4.07 billion mula sa congressional insertions — at hindi kabilang sa original National Expenditure Program (NEP).
Kabilang sa nakitang red flags ay ang paglalaan ng tig-P135.14 million sa dalawang kontrata para sa isang bahagi ng Davao river, na ang una ay isinagawa noong 2019 at sumunod sa taong 2020, na mayroon lang idinagdag na lugar.
Mayroon din umanong tig-P115.09 flood control project contract na ibinigay sa dalawang magkaibang kontratista para “revetment along Davao River at the Davao River Bridge upstream section” subalit magkapareho ang sakop na bahagi ng ilog.
Siyam na kontrata, na may kabuuang halaga na P484.04 million ang ipinatupad na taliwas sa kung ano ang lugar na sakop na nakasaad sa General Appropriations Act (GAA), kabilang dito ang isang GAA item, na may pondong P30 million para sa 375 meters river revetment, subalit sa kontrata ay 120 meters nakalagay at may budget na P161,250 per meter sa halip na P80,000 per meter lamang.
Naigawad din umano ang nasa 62 contracts, na ang halaga ay aabot sa P3.44 billion nang walang kaukulang ‘specifications’ gaya ng eksaktong lokasyon at haba kung kaya hindi umanong ma-beripika kung saan ito.
Sampung kontrata naman, na nasa P622.57 million ang halaga ng naipatupad kahit hindi kasama sa line items ng naaprubahan national budget.
“In the Davao River alone, 54 out of 68 implemented projects worth P2.65 billion are red-flagged. For the Matina River, 26 out of 28 implemented projects worth P1.70 billion exhibit irregularities,” paglalantad pa ni Tinio.
Tinukoy rin niya ng mambababatas ang kontratista ng nasa mga proyekto, na kinabibilangan ng RELY CONSTRUCTION & SUPPLY INC. (5 contracts, P400.85 million); LEGACY CONSTRUCTION CORPORATION (7 contracts, P350.99 million); ABU CONSTRUCTION (8 contracts, P321.30 million); ST. TIMOTHY CONSTRUCTION (P96,498, 186) at ALPHA AND OMEGA CONSTRUCTION (P90,481,680), na kapwa pag-aari ng kontrobersyal na mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Pasok din aniya ang ALFREGO BUILDERS, na pag-aari ng kapatid ni Sen. Bong Go na si Alfredo Go, na may joint venture sa RELY CONSTRUCTION (P96, 497,408); at GENESIS88 (P29,400, 000), na ang may-aring si Glenn Escandor ay nag-donate sa kandidatura ni Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.
“The Filipino people deserve answers about how P4.66 billion in public funds was spent—or misspent. This is about ensuring that every peso of public funds meant to protect our communities from flooding actually serves that purpose,” giit pa niya.
“Transparency and accountability must apply equally, whether in Bulacan, Davao, or anywhere else in our country.” (ROMER R. BUTUYAN)
