
TALUNAN na nga, sumabit pa. Ito ang sitwasyon ni dating Senador Bong Revilla matapos idawit ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara sa umano’y pagtanggap ng “komisyon” sa likod ng P300-milyong budget insertion.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na inatasan mag-imbestiga sa maanomalyang flood control projects sa iba’t-ibang panig ng bansa, kinaladkad din ang pangalan ni former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na aniya’y tumayong “tulay” ni Revilla.
Kwento ni Alcantara, personal umano siyang inutusan ni Bernardo na maglaan ng pondo (mula sa P300 budget insertion sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act) para sa re-election bid ni Revilla.
“Ayon kay Usec. Bernardo ang GAA insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng P300 million, sabi niya po sa akin para kay Senator Bong Revilla na noon ay kumandidato bilang senador sa 2025,” ani Alcantara.
“Yun po ay ayon kay Usec. Bernardo. Never ko pong nakausap si Senator Bong Revilla, never po.”
Samantala, isang netizen ang nagpadala ng isang larawan kung saan magkasama sina Revilla at Alcantara.
“Nagsalita na rin lang siya (Alcantara), sinamahan pa niya ng pasubali… natakot siguro sa bwelta ni Boy Budots,” wika ng netizen na ayaw magpabanggit ng pangalan. (ESTONG REYES)