KUNG dati gobyerno ang nagpapatong ng gantimpala sa mga wanted, kakaiba ang gimik ni dating Presidential Spiritual Adviser Apollo Quiboloy — isang libong piso sa sinumang makakakita at makakapagdala sa kanya sa isinasagawang pagdinig ng Senado.
“I will give you a puzzle regarding my location. If you will be able to solve it, I will give you P1,000 as a reward,” giit ni Quiboloy sa isang tape message matapos maglabas ng subpoena ang Senado kaugnay ng mga reklamong inihain ng mga dating miyembro ng sektang Kingdon of Jesus Christ (KOJC).
Una nang binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Quiboloy sa mas malaking problemang nakaamba kung patuloy na iisnabin ang pagdinig ng kongreso, habang pinayuhan naman ng dating Pangulo Rodrigo Duterte na humarap sa Senate hearing para makaiwas sa hoyo.
Tulad ng ibang palaro, nagbigay ng clue si Quiboloy sa kanyang kinaroroonan — “Ako’y nakakubli hindi kalayuan dito. Kuta ko’y puro bato, laksa-laksang pula at itim na langgam, handang ipagtanggol ako sa mga manlulupig na mga tao, kano man o kalahi ko,.
Samantala, nakatisod naman ng kakampi si Quiboloy sa katauhan nng kapatid na senador ng Panngulo.
Para kay Senador Imee Marcos, labis-labis na ang pang-aapi at panggigipit sa dating presidential spiritual adviser.
“Lungkot na lungkot ako sa nangyari sa SMNI at kay Pastor Quiboloy. Mabait naman siya sa atin at higit sa lahat talagang tumutulong sa napakarami kaya’t malungkot ako na nauwi sa ganito,” wika ni Imee sa isang pulong-balitaan kamakailan.
Hirit ng senador, tigilan na ang sobrang pagdikdik sa religious leader na higit na kilala bilang malapit na kaibigan ni Duterte.
Mungkahi ng mambabatas. Ayusin na lang ang gusot kesa isalang sa kahihiyan ang kontrobersyal na pastor.
Hindi rin aniya angkop na iregalo ang ulo ni Quiboloy sa Estados Unidos kung saan may nakabinbin kaso ang religious leader na nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay ng mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud and coercion, conspiracy, at bulk cash smuggling.
“Yung mga nagsasabi ng extradition, eh wala namang extradition request, bakit kayo nagmamadali? Labis naman,” pasaring ng senador.
Di rin aniya angkop na kalimutan na lang ang malaking naitulong ni Quiboloy sa tagumpay ng nakababatang kapatid noong 2022 presidential elections.
“Tumulong sila sa lahat ng ginagawa ng administrasyon para ipanalo ang administrasyon tapos ganito ang ginagawa sa kanya. Naiintindihan ko pero nalulungkot ako bakit sila nagsasalita ng ganyan,” aniya pa.
Una nang nagbabala si Senador Risa Hontiveros na ipapakulong si Quiboloy sa sandaling hindi pa rin siputin ang pagdinig ng senado kaugnay ng mga alegasyon ng panghahalay sa mga babaeng miyembro ng KOJC.
