
DAMAY-damay na! Ito marahil ang napagtanto ng mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sumabit sa maanomalyang flood control projects ng naturang kagawaran.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Senate President pro-Tempore Sen. Panfilo Lacson na haharap sa pagdinig ng blue ribbon committee ang dating DPWH Undersecretary na sinasabing utak sa likod ng sindikato sa naturang departamento.
Partikular na tinukoy ni Lacson si former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, kasabay ng pag-amin na hawak na rin ng kanyang tanggapan ang sinumpaang salaysay na naglalaman ng mga bagong impormasyon na ibinahagi ng nabanggit na opisyal.
Si Bernardo ang itinuro nina dating DPWH district engineers Henry Alcantara at Brice Hernandez na utak ng “sindikato” sa maanomalyang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Nagpahayag na rin aniya ng kahandaan si Bernardo inguso ang iba pang politikong tumanggap ng komisyon sa mga proyektong pinondohan sa bisa ng budget insertions.
Higit na kilala si Bernardo bilang alipores ni Senador Mark Villar na nagsilbing Kalihim ng DPWH sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Taong 2017 nang iluklok ni Villar si Bernardo sa DPWH. Bilang Undersecretary for Operations, nagawa ni Bernardo maglagay ng sariling tao sa mga regional at district engineering offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa ipinuwesto ni Bernardo si dismissed DPWH-Bulacan district engineer Henry Alcantara. (ESTONG REYES)