DEAD on the spot ang isang lalaki matapos barilin ng kapwa motorista sa Ayala Tunnel sa Barangay Urdaneta, Makati City kahapon.
Sa ulat ng lokal na himpilan ng pulisya, dakong alas 2:30 ng hapon (Mayo 28) nang tapatan ng isang armadong lalaking sakay ng Mercedes Benz ang Toyota Innova na minamaneho ng di pinangalanang biktima, kasama ang asawa’t anak
Pag-amin ng asawa ng biktima, nagkagitgitan ang kanyang asawa at suspek sa southbound lane ng EDSA sa malapit sa Ayala Avenue.
Pagdating sa Ayala Tunnel, biglang pinutukan ng suspek ang biktimang agad na nawalan ng kontrol sa manibela hanggang sa tuluyang sumalpok sa dalawang motorsiklo.
Mabilis na tumakas ang salarin.
Kwento ng isang rider na pinara ng asawa ng biktima, isang itim na Mercedes Benz ang nakita niyang tumapat sa Innova. Ilang saglit pa, nakarinig na di umano siya ng putok.
“Nakita ko si ate hawak hawak niya si baby… Humihingi ng tulong, pinara ako. Sabi ni ate, galing daw silang BGC. Di lang daw sila nagkabigayan sa kalsada. Pailalim daw sila, tapos yung Mercedes Benz na kulay itim paakyat daw nung Ayala. Yun, bigla na lang daw po may isang putok. Tapos nakita daw niya nag aagaw buhay na ang asawa.”
Hindi na inabutan ng mga rumespondeng pulis ang suspek bunsod ng usad-pagong sa daloy ng trapiko patungo sa lugar ng insidente.
