HINDI sinipot ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang arraignment kaugnay ng kinakaharap na kasong “graft” sa Sandiganbayan.
Subalit sa halip na magpaliwanag, nagsumite ang kampo ni Bonoan ng talaan ng mga iniindang karamdaman ng dating Kalihim ng DPWH.
“Bakit ang dami?,” bulalas ni Sandiganbayan Second Division Presiding Justice Geraldine Econg nang mabasa ang listahan ng mga sakit ni Bonoan.
Kabilang sa mga umano’y karamdaman ng dating Kalihim ang acute coronary syndrome, chronic kidney disease, prostate cancer, diabetes, pananakit ng gulugod, carcinoma at heart failure.
Ayon sa mga abogado ng 80-anyos na akusado, kasalukuyang sumasailalim si Bonoan sa angiogram procedure sa hindi tinukoy na pribadong pagamutan.
Nahaharap ang dating kalihim sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa kaugnay na balita, isinailalim na sa hospital arrest ang dating DPWH chief.
Sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division, pinagbigyan ang mosyon ng mga abogado ni Bonoan na isailalim na lang sa hospital arrest ang akusado habang dinidinig ang kaso.
“Accordingly, the court partially grants accused Manuel Manligas Bonoan’s urgent ex abudanti ad cautelam motion to allow accused Manuel Manligas Bonoan under hospital arrest while case is pending dated June 1, 2026. Accused Bonoan is allowed to be confined at the PNP General Hospital in Camp Crame, Quezon City,” wika ni Division Chairperson Associate Justice Zaldy Trespeses.
