PARA palakasin ang supply at pababain ang presyo ng bigas sa merkado, unang inihain sa pagpasok ng bagong 20th Congress ang panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act.
Target ng ng House Bill No. 1 na akda ni House Speaker Martin Romualdez, isulong ang reporma sa National Food Authority (NFA) at pagrebisa sa Rice Tariffication Law.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng karampatang kapangyarihan ang NFA sa aspeto ng regulasyon sa pagbebenta ng bigas, pigilan ang hoarding, gayundin ang pagbebenta sa merkado ng sobra-sobrang halaga at manipulasyon sa presyo.
Ayon kay Romualdez, ang naturang hakbang ay alinsunod na rin sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhin ang matatag na suplay at pagbebenta ng bigas sa mga pamilihan na abot-kaya ang presyo para sa bawat mamamayang Pilipino.
“Rice is life, and it is the soul of every Filipino family’s dining table. That is why this bill is the very first we filed in the 20th Congress. It reflects our singular focus on the daily struggle of every Filipino family to put affordable food on the table, and the need to reward our farmers with fair prices for their hard work,” wika ng lider ng Kamara.
Kabilang naman sina Tingog Partylist Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre bilang co-author ng panukala,
Nakapaloob din dito ang pagkakaroon ng NFA ng kapangyarihan na magrehistro at maglisensya ng mga bodega ng butil, magsagawa ng inspeksyon, at subaybayan ang kalakalan ng bigas.
Magkakaroon din ito ng kapangyarihang kumpiskahin ang mga naimbak na bigas at ipamahagi ito sa publiko upang labanan ang artificial shortage o biglaang pagsipa ng presyo.
“Hindi na pwedeng patuloy na ginagamit ang krisis sa pagkain bilang oportunidad para kumita ang iilan. Dapat may kakampi ang konsyumer sa gobyerno, at dapat din may kakampi ang magsasaka. Through this bill, we restore that balance,” dugtong ng Leyte solon.
Itinatakda rin sa panukala na ang NFA ay kailangang magpanatili ng buffer stock na manggagaling sa lokal na palay, at may kapangyarihang magtakda at magpatupad ng floor price para sa pagbili ng palay.
Ito’y para masiguro na patas at matatag na presyo ang ani ng mga magsasaka, habang makikinabang naman ang mga mamimili sa mas maaasahan at mas abot-kayang suplay ng bigas.
“We cannot fight hunger without confronting price manipulation. This bill is not about going backwards to failed models. It is about smarter regulation that meets today’s challenges like climate shocks, global price volatility and local production gaps,” giit pa ng House Speaker.
Sa pagrebisa sa Rice Tariffication Law, ipinaliwanag ng lider-kongresista na hindi aalisin ng panukala ang malayang importasyon ng bigas, bagkus ay magdadagdag ito ng mahahalagang pananggalang.
Aniya, hindi layunin ng batas higpitan ang kalakalan kundi bigyang kapangyarihan ang estado na makialam kung kinakailangan para sa kapakanan ng publiko.
“Kapag bumabagsak ang presyo ng palay at lugi ang mga magsasaka, dapat may kakayahan ang NFA na bumili sa presyong makatao. At kapag sumisirit ang presyo ng bigas sa palengke, may mandato ang NFA na ibsan ang pasanin ng mamamayan,” sabi pa niya.
Samantala, itinatakda rin HB No. 1 ang parusang hanggang ₱2 milyon at pagkakakulong ng hanggang dalawang taon para sa mga lalabag sa floor price policy, at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno para sa mga opisyal na sangkot sa hoarding o profiteering.
“This is a bill of accountability. Dapat managot ang sinumang nambibiktima sa kahirapan ng ating mga kababayan para lamang kumita. We intend to use the full force of the law against those who take advantage of the people’s vulnerability in times of crisis,” pahabol ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
