HULI man daw at magaling, matatanggal pa rin. Ito marahil ang buod ng bagong paandar ng Commission On Elections (Comlec) hinggil sa panawagan i-suspinde si Bamban Mayor Alice Guo.
Para kay Comelec chairman George Garcia, may paraan para matanggap sa pwesto si Mayor Guo na pinaniniwalaang sangkot sa ilegal ng operasyon ng POGO hub na sinalakay ng mga operatiba sa malawak na compound hindi kalayuan sa munisipyo ng Bamban.
Partikular na tinukoy ni Garcia ang Statement of Contributions and Expenditures SOCE) na isinumite ni Guo sa naturang ahensya.
Gayunpaman, hindi aniya makakagalaw ang Comelec kung wala maski isang taga-Bamban na maghahain ng reklamo laban kay Guo o hihiling na silipin at rebisahin ang isinumiteng SOCE ng alkalde.
Paliwanag ng Comelec chief, mga kandidato lang ang may deadline sa pagsusumite ng SOCE – at hindi saklaw ang mga botante duda sa idineklarang gastos sa halalan ng mga kandidato.
“Ang period po ng pagsa-submit ang hindi po sa mga nagrereklamo kung hindi doon sa mga kandidato. May period iyan 30 days after the election dapat mag-submit ng SOCE. Pero walang nakalagay kung hanggang kailan pwedeng may magreklamo na mali ang sinubmit na SOCE ng mga kandidato,” ani Garcia.
Hindi aniya simpleng dokumento ang SOCE na pinanunumpaan at nilalagdaan.
Base sa SOCE ng Bamban mayor, P134,000 lang ang nagastos ni Guo noong kumandidato para alkalde noong 2022 local election.
“Tandaan niyo, ang lahat ng SOCE pinanumpaan. Kung mali ang sinumpaan, perjury. Kung hindi totoo ‘yan, ‘yung mga nakalagay doon, pwede naming kasuhan at balikan ‘yung mismong kandidato. What for is the submission kung ‘yun pala hindi naman makatotohanan,” aniya pa.
Gayunpaman, hindi pwedeng gumalaw ang Comelec kung walang maninindigang rehistradong botante ng Bamban.
“Sana po talaga may makapag-report sa amin ng mga bagay, alam niyo po eh nasa mga kababayan din natin na ito po ay isang paalala maging vigilant po tayo, mapagmatyag, mapagmasid.”
Base sa rekord ng Comelec, taong 2019 nang idiskwalipika ng ahensya si Emilio Viliran Arnaez sa pagtakbo niya bilang konsehal ng Tanjay City, Negros Oriental at muli noong 2022 nang kumandidato si Arnarez bilang mayor.
Gayundin ang nangyari kay former Cainta Councilor Jino Alcantara.
Kapwa sila disniskwalipika at pinabawalang lumahok sa anumang halalan bunsod ng kabiguan magsumite ng SOCE sa Comelec.
Nahaharap si Guo sa kabi-kabilang imbestigasyon hinggil sa di umano’y pagkakasangkot sa ilegal ng operasyon ng POGO sa bansa, pagiging espiya ng China, money laundering at kwestyunableng citizenship.
