HINDI na kailangan pa umabot sa sukdulan ang tensyon sa West Philippine Sea, ayon sa Estados Unidos kasabay ng anunsyo hinggil sa nakatakdang pagpapadala ng mga barko sa South China Sea bilang katuparan sa pangakong saklolo sa kaalyadong bansa sa Pasipiko.
Ayon sa kalatas ng Philippine Coast Guard, inaasahan ang pagdating ng United States Coast Guard (USCG) sa mga susunod na araw para tulungan ang Pilipinas ipaglaban ang karapatan sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Partikular na tinukoy ni ni Admiral Ronnie Gil Gavan ang paglalayag ng USCG North Pacific Coast Guard bilang bahagi ng paghahanda sa mas malaking deployment sa South China Sea sa gitna ng banta ng China na dadakpin at ikukulong sa loob ng 60 araw ang sinuman matityempuhan sa anila’y nasasakupang teritoryo.
Bukod sa US, sinang-ayunan na rin ani Gavan ng Japan ang pagpapadala ng kanilang Japan Coast Guard (JCG).
“I’d like to propose greater deployment in the high seas. We will do our part, but we also need you to be there to maintain rules-based order the way Coast Guards should play their role,” ani Gavan.
Kinumpirma naman ni USCG Commandant Admiral Linda Fagan ang pakikipag pulong kay Gavan at JCG Vice Admiral Seguchi Yoshio.
Ayon kay Fagan, malaki ang partisipasyon ng maritime law enforcement agencies sa Asia-Pacific region sa mas lumalalang ‘central geopolitical role’.
Hinamon din ng USCG chief ang iba pang bansang kaalyado na magpakita ng propesyonalismo bilang suporta maritime governance na posibleng makaapekto sa ekonomiya at seguridad.
Gayunpaman, iba ang posisyon ni Senate President Francis Escudero.
Ayon sa lider ng Senado, hindi na dapat patulan ng Pilipinas ang ginawang panghahablot ng Chinese Coast Guard sa mga supply na pinadala ng gobyerno sa mga sundalong Pilipino sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing vaval outpost ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Para kay Escudero, hindi aniya wasto na maging battleground sa hidwaan ng dalawang superpowers ang Pilipinas.
“Ano man ang uri ng opensibang ginagawa nila katulad nang pag-agaw sana huwag patulan ng ating bansa. Uulitin ko, walang may gusto ng anumang uri ng digmaan na sumiklab dito sa rehiyon natin at lalong-lalo na kung ang magiging battle ground ay ang ating bansa,” ani Escudero.
Payo ni Escudero sa Department of Foreign Affairs (DFA), dalhin ang usapin sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kung saan kabilang ang Pilipinas dahil ang isyu ng West Philippine Sea ay nagaganap sa loob nang nasasakupan ng ASEAN.
