NI EDWIN MORENO
HINDI malayong mapilitan ang Philippine National Police (PNP) na magtalaga na lang ng junior officers matapos sibakin sa pwesto ang isa pang hepe ng lokal na pulisya bunsod ng panibagong illegal POGO operation na nadiskubre ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Partikular na tinukoy ni Col. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP si Porac Municipal Police Station chief Lt. Col. Palmyra Guardaya, na walang kamalay-malay sa mga nagaganap ilegal na aktibidad sa 10-ektaryang compound sa Sitio Pulung Maba, Barangay Santa Cruz ng nasasakupang bayan.
Araw ng Martes nang salakayin ng pinagsanib ng pwersa ng PAOCC, Inter-Agency Council Against Trafficking, PNP Special Action Force, Criminal Investigation and Detection Group, Anti-Cybercrime Group, at PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group ang Luck South 99 Outsourcing Incorporated kaugnay ng human trafficking, sex slavery, torture, kidnapping, at malawakang online scam.
Sa pagsisiyasat ng PNP, lumalabas din na nagawa ng Luck South 99 Outsourcing Incorporated na makapag-operate kahit walang permiso mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nasa 158 banyaga ang “nasagip” sa pinagsanib na operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng Malolos City Regional Trial Court.
Kabilang rin sa sisilipin ng PNP ang posibilidad na may nagtimbre sa pagsalakay makaraang masilat sa checkpoint ang mga Chinese nationals na lulan ng 12 sasakyan sa exit point ng compound malapit sa Fil-American Highway na sakop na ng Angeles City.
Batay sa rekord ng pulisya, una nang sinalakay ang Luck South 99 Outsourcing Incorporated taong 2022 kaugnay ng kasong pagdukot sa 43 Chinese nationals.
