Ni ESTONG REYES
BAGAMAT malayo pa ang 2025 midterm election, tiniyak ni Senador Lito Lapid ang muling pagtakbo bilang senador sa susunod na halalan. Ang punong dahilan – kailangan aniyang linisin ang nadungisang pangalan.
Sa isang panayam ni Reymund Tinaza sa programang “Mahiwagang Mundo ng Pulitika,” nanindigan si Lapid na walang katotohanan ang usap-usapan na nagdadawit sa kanyang pangalan sa ilegal na operasyon ng dambuhalang POGO hub sa bayan ng Porac, Pampanga.
“Kapag po hindi ako kumandidato, magmumukha pong guilty ako,” wika ni Lapid, kasabay ng giit na wala siyang kaugnayan o anumang kinalaman sa illegal POGO operation ng Lucky South 99 Outsourcing Incorporated na sinalakay ng Presidential Anti-Corruption Commission (PAOCC) noong nakalipas na buwan.
Partikular na tinukoy ni Lapid ang aniya’y gawa-gawang alegasyon ng vlogger na nagdawit sa kanya sa illegal POGO operation.
Bagamat aminadong tubong-Porac, hindi umano sa kanya o sa kanyang pamilya ang 10-ektaryang POGO hub na nasa likod ng mahabang talaan ng mga ilegal na aktibidad.
“Almost 30 years po ako sa larangan ng pulitika at serbisyo sa ating mga kababayan na wala pa pong dungis ang aking pangalan. Eh bigla po nilang dudungisan ng ganon, hindi po tayo papayag,” anang senador.
