Ni ESTONG REYES
BAGO pa man ang inaabangang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pormal nang binuksan ni Senate President Francis Escudero ang 3rd regular session ng 19th Congress kung saan inihayag ang prayoridad ng Senado.
Sa kauna-unahang talumpati bilang Senate President, nanindigan si Escudero na hindi magpapadikta ang senado kahit kanino, kasabay ng pahiwatig kaugnay ng isinusulong na Charter Change (ChaCha) ng Kamara.
Panawagan ni Escudero sa mga kapwa senador, isantabi muna ang mga panukalang ChaCha na aniya’y magdudulot ng pagkakawatak-watak ng sambayanan.
Bilang pambungad na hakbang, inilagay ni Escudero ang ChaCha sa dulo ng talaan ng mga panukalang batas na tatalakayin ng senado.
“Pending bills on Charter change will be placed in the back-burner and will follow the ordinary and regular process of legislation, if at all. In its stead, bills which can affect the same result, but without the needless political noise and bickering, will be prioritized,” sambit ni Escudero.
Hindi rin pinalampas ni Escudero pagkakataon pasaringan ang Kamara sa ibinibidang dami ng aprubadong legislative measures mula sa Palasyo. Aniya, mas angkop kung kalidad ang bawat panukalang pagtitibayin ng Kongreso.
“We will tackle items in the common legislative agenda, forged with the Executive and those nurtured by both the House and the Senate, for legislation is not a one-way process,” aniya pa.
Para aniya makalusot ang isang panukala, may tatlong panuntunan ang senado – “Giginhawa ba ang buhay ng mga Pilipino? Mas mabilis bang uusad ang bansa? Gagaan ba ang pasanin ng sambayanan?”
“For me, the foremost task of senators is to be the chief common sense officers of the government. For me, common sense is what would bring ease to the lives of our countrymen.”
