ISANG kapanapanabik na halalan ang inaasahan sa lungsod ng Las Piñas kung saan nakatakdang magsagupa sina Sen. Cynthia Villar at pamangkin na si Vice Mayor April Aguilar sa pwesto bilang mayor sa nalalapit na 2025 midterm election.
Ayon kay Villar na nasa kanyang ikalawa at huling termino bilang senador, nais niyang ituloy ang mga sinimulang programa at adbokasiya sa kinalakhang lungsod.
“May farm school ako sa Las Piñas. Mayroon akong River Rehabilitation Program. Meron din akong Las Piñas-Parañaque Wetland Farm. May drug rehab center kami dun. Maraming mga infrastructure.”
“I want to run for mayor kaya lang, may other considerations. We’ll see,” ani Villar sa isang panayam.
Isa aniya sa mga konsiderasyon ay ang kanyang asawang si dating Senate President Manny Villar na mas kursunudang patakbuhin na lamang siya bilang kongresista.
“Nagko-comment lang yun [Manny] but in the end ako din magde-decide,” sabi pa ng senadora kasabay sabing sa Oktubre ang pinal niyang desisyong kung tatakbo ba siya sa pagka-alkalde o di kaya’y kinatawan ng lungsod sa Kamara de Representantes.
