
Ni LILY REYES
NAKATAKDANG pulsuhan ng Quezon City government ang mga residente sa bisinidad ng Tomas Morato Avenue hinggil sa mungkahing magpatupad ng carless Sunday sa nasabing bahagi ng lungsod.
Sa panukala ni Quezon City Fourth District Councilor Irene Belmonte, isang pampublikong konsultasyon sa hanay ng mga residente ang isasagawa sa South Triangle Covered Court sa Barangay Obrero sa Agosto 24.
Sa ilalim ng panukala ni Konsehal Belmonte, target gamitin ang kahabaan ng Tomas Morato Avenue bilang Market Day kung saan tampok ang mga produktong binebenta ng mga small-scale businesses na nakabase sa Quezon City.
Para kay Belmonte, malaking bentahe rin ang pansamantalang pagsasara ng nasabing daluyan ng trapiko para bawasan ang polusyong ibinubuga ng mga sasakyang bumabagtas sa nasabing kalsada.
Mungkahi pa ng lokal na mambabatas kontrolin ang paggamit ng buong kahabaan ng Tomas Morato mula E. Rodriguez hanggang Sct. Albano sa pamamagitan nang pagsasara ng mga nasabing lugar sa mga motorista kada Linggo mula 12: 00 ng hatinggabi hanggang alas 11:59 ng gabi.