
Ni ESTONG REYES
BINUKING ni Senator Imee Marcos ang mga pangalan ng mga napipintong ilarga ng administrasyon sa posisyon ng senador sa nalalapit na 2025 midterm election.
Ayon kay Marcos, binuo ang senatorial line-up matapos magpulong sa Malakanyang ang mga lider ng iba’t ibang partidong kaalyansa ng administrasyon kabilang ang Lakas-CMD ni House Speaker Martin Romualdez, Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP).
Gayunpaman, nilinaw ni Romualdez na hindi ang pagbuo ng senatorial line-up ang layon ng nasabing pulong. Aniya, pagpapalakas ng kanilang koalisyon at paggawa ng strategy para sa 2025 elections ang adyenda ng naturang pulong.
“This is more than just a strategic planning session; it is a declaration of our shared commitment to the Filipino people,” ani Romualdez.
Kabilang ani Sen. Imee sa mga tatakbo sa posisyon ng senador sina dating Senador Manny Pacquiao, Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos at reelectionist Sen. Francis Tolentino para sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
Pasok din sa talaan sina Sen. Bong Revilla and ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo para naman sa Lakas-CMD.
Pambato naman ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sina dating Senate President Tito Sotto, former Sen. Ping Lacson, reelectionist Sen. Lito Lapis at Makati City Mayor Abby Binay.
Sa hanay ng Nacionalista Party, ibabandera sina reelectionist Sen. Pia Cayetano, Camille Villar at Imee Marcos.
Gayunpaman, itinanggi ni Marcos ang impormasyong inilahad ng nakatatandang kapatid na nakapili na ng 12 kandidato para sa 2025 midterm election sa ilalim ng koalisyon ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Nakatakdang sumipa ang paghahain ng kandidatura sa pagpasok ng Oktubre.