POSIBLENG pagmultahin hanggang isang milyong piso ang nasa 43 grocery stores sa Metro Manila matapos mabisto ang hayagang pagsuway sa price freeze na umiiral sa rehiyon.
Sa kalatas ng Department of Trade and Industry (DTI), inisyuhan na di umano ang mga may-ari ng 43 establisyemento hinggil sa paglabag.
Ayon kay Atty. Fhillip Sawali na tumatayong Director ng DTI-Fair Trade Enforcement Bureau, meron lamang 48 oras ang mga naturang negosyo na magpaliwanag, batay sa notice of violation na inilabas ng departamento.
Paalala ng DTI, mananatili ang price freeze sa Metro Manila hanggang Setyembre 24 ng kasalukuyang taon.
Kamakailan lang nang personal na pangasiwaan ni DTI Sec. Ma. Cristina Roque kasama ang mga kinatawan ng Makati City government para tiyakin walang magaganap na pagsasamantala sa presyuhan ng mga pangunahing bilihin.
“Most of them, they follow yung price na itinakda para protektahan ang buyers, halos lahat dito, sumusunod sa weighing scale, it’s eksakto, walang daya. Sumusunod sa patakaran ng DTI,” wika ni Roque.
