MATAPOS ang dalawang linggo ng paghahalughog, natunton ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang pinagtataguan ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy sa loob ng KOJC Compound sa Buhangin District, Davao City.
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), binasahan muna di umano ng Miranda Rights si Quiboloy bago tuluyang dakpin ng mga operatiba sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng husgado.
Gayunpaman, walang detalyeng inilabas ang DILG kung paano at kung saang bahagi ng 30-ektaryang KOJC Compound natunton ang kontrobersyal na religious leader na kilalang malapit kay former President Rodrigo Duterte.
Hindi rin malinaw kung kasama sa mga dinakip ang mga kapwa akusado ni Quiboloy sa kaso.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi naman ni DILG Sec. Benhur Abalos na dakong alas 6:00 ng hapon nang matunton ang wanted na si Quiboloy sa mga lihim na lagusan sa KOJC Compound.
Inaasahan naman agad na dadalhin sa Maynila ang KOJC lider.
Nahaharap ang 74-anyos na si Quiboloy sa mahabang talaan ng kasong kriminal kabilang ang panghahalay, child abuse, money laundering, human trafficking at iba pa. Pasok din si Quiboloy sa Most Wanted ng Federal Bureau of Investigation sa Estados Unidos.
Bago pa man natimbog, iginiit ni Quiboloy sa Palasyo na susuko lang siya kung may garantiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi hahayaan ng gobyerno siya’y kunin ng Estados Unidos.
Tinabla ni Marcos ang hirit ni Quiboloy.
