HINDI maisasakatuparan ng gobyerno ang isang komprehensive flood control master plan kung ang pagbabatayan ay ang lumang flood map, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng direktiba sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na i-update ang flood maps sa Pilipinas.
Para kay Marcos, higit na mahalaga na magkaroon muna ng aktwal na mapa lalo pa aniya’t patuloy na nagbabago ang agos ng tubig baha bunsod ng mga pagbabago sa porma ng lupa sa nakalipas na panahon.
“What we’re going to have to do here is we’re going to have to really look and see what are the changes that have happened,” wika ni Marcos kaugnay ng malawakang pagbaha maging sa mga matataas na lugar tulad ng Antipolo at Tanay sa lalawigan ng Rizal.
May mga lugar din aniya sa Metro Manila na hindi binabaha ngunit lumubog nang nanalasa ang Bagyong Carina.
“Like in the case of Carina in Metro Manila, they were very distinct, there were identifiable causes why they haven’t had that flooding for 15 years but they now did,” ani Pangulong Marcos.
Paniwala ng Pangulo, posibleng nababarahan na ng mga imprastraktura ang daluyan ng tubig bunsod ng tinatawag na urbanisasyon – kabilang ang pagtatayo ng mga gusali at mga proyektong pabahay.
