SA gitna ng umaatikabong bakbakan sa pagitan ng Israel at Lebanon, agad na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) na agad ibalik sa Pilipinas ang mga migranteng manggagawa sa lugar na apektado ng digmaan.
Sa isang press briefing sa Palasyo, kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac ang direktiba ng Pangulo.
Bago pa man humarap sa mga mamamahayag, una nang inatasan ni Marcos si Cacdac na noo’y nasa Laos para sa official government mission, nasa na umuwi agad sa Pilipinas para tumulong sa pagbalangkas ng plano sa pagpapauwi sa mga manggagawang Pinoy na naipi sa Lebanon.
“The President made clear in the meeting yesterday that first and foremost would be the safety and security, safe repatriation of Filipinos, OFWs in Lebanon who wished to be repatriated,” ani Cacdac .
Ayon kay Cacdac, isinasaayos na ang repatriation ng mga OFWs na naipit sa bakbakan. Katunayan aniya, meron ng 192 na naka-book sa commercial flights mula Oktubre 11 hanggang 28 – bukod pa sa 11 nakatakdang dumating sa bansa sa Sabado.
Paspasan na rin umano ang proseso ng Lebanese Immigration para sa pagpapauwi ng 413 na iba pa. Para naman sa mga Lebanese employers na ayaw pakawalan ang mga kasambahay na Pilipina, pinaubaya ni Cacdac sa OWWA ang sitwasyon.
Aniya, eksperto ang naturang ahensya sa mga gayung sitwasyon.
“Admin Arnel’s people on the ground are well equipped; experts in handling situations like this,” pahabol ni Cacdac.
