Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, hindi dapat limitado ang atensyon ng gobyerno kay Guo Hua Ping alyas Alice Guo.
Tulad ni Guo na nahalal bilang alkalde ng bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac, nakalusot din at kasalukuyang nanungkulan sa iba’t ibang posisyon ang mga Chinese nationals na nagpapanggap na Pilipino.
Katunayan aniya, marami pang mga Chinese nationals ang may hawak na posisyon sa local government unit (LGU), kabilang ang ilang pinalad makalusot noong 2022 local elections bilang mayor habang ang iba naman miyembro ng lokal na konseho.
“May mga ilan akong na-meet na nakapasok na elected officials… may mga LGU. Mga nasa konsehal na siguro, yung iba siguro mga mayor parang may mga na-meet na rin ako na mukhang di lumaki dito,” ani Ejercito sa isang pulong-balitaan.
Gayunpaman, tumanggi ang senador na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga di umano’y Chinese nationals na kasabay ni Guo nanalo sa halalan.
Samantala, hinikayat ng senador ang Commission on Elections (Comelec) na maging maingat sa pagsala ng mga kandidato para mapigilan ang pagpasok na naman ng isa pang Alice Guo sa pamahalaan.
“It’s a wake-up call for us na hindi natin pwedeng balewalain lang. Itong POGO issue dapat wake-up call sa atin ito to be more strict with this,” ani Ejército.
“Yung mga tulad ng nangyari itong late registration, we have to put a plug in these holes para ‘di na maulit and to make sure that we are protected,” aniya pa.
