Ni ESTONG REYES
MULING nagpamalas ng katarayan si Senador Cynthia Villar matapos layasan ang pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Department of Agriculture (DA). Ang dahilan — nambobola lang di umano ang mga opisyal ng dalawang ahensyang nasa ilalim ng naturang kagawaran.
Partikular na tinukoy ni Villar ang aniya’y tila gawa-gawang datos ng National Dairy Authority (NDA) at Philippine Carabao Center (PCC) sa kontribusyon ng mga nasabing tanggapan sa produksyon ng gatas sa bansa.
“I just want to see your performance kasi sinabi nyo sa akin na from one percent, naging five percent. Tapos ngayon, di nyo ma-explain?” patutsada ng iritadong si Villar bago tuluyang lisanin ang bulwagan kung saan ginanap ang budget hearing.
“From one percent, naging five percent. Sino sa inyo? Binobola nyo ako! Sino’ng nag-produce sa inyo?”
Sagot naman ni NDA Administrator Marcus Antonius Andaya, 1.5 porsyento na kasalukuyang kontribusyon nila sa overall daily production sa bansa.
“Hindi ko po alam kung saan nanggaling yung five percent,” dagdag pa niya.
Tinanong rin ni Villar si PCC Administrative, Financial and Management Division chief Aimee Fulgencio tungkol sa kontribusyon ng kanilang tanggapan subalit hindi makasagot sa tanong ng senador.
Sa pagwo-walkout ng senador, naiwan ang mga opisyal ng NDA at PCC sa committee room.
